Saturday, July 11, 2009

BANYAGA, ISA KANG DAYUHAN…
~blackrose~
071109

O aking Inang Bayan,
Aking lupang sinilangan…
Dito sa ating tahanan,
Mga banyaga’y nagsidatingan.

Dayuhang namumuhunan,
Dito sa atin nakikipagsapalaran.
Trabahong ating kailangan,
Kanilang sambit sa karamihan.

Ano’t tayo’y nasisiyahan,
Mga banyaga, sagot sa ating kahirapan.
Ngunit heto’t sa kalaunan,
Pagmamaliit sa atin at kaalipustahan.

Juan kang may pinag-aralan,
Si Pedro man ay may angking kasipagan.
Maria kang mayroong dangal,
Elenang kapita-pitagan.

Heto tayo at nagpapa-alipin
Sa mga dayuhang pera lamang ang angkin.
Ipinagwawalang bahala ating dangal at pinag-aralan,
Kung tratuhi’y higit pa sa isang maruming basahan.

Tumayo ka at iyong ipakipaglaban,
Karapatan ng bawat mamamayan.
Laban sa mga mapang-alipustang dayuhan
Na ating dangal ay niyuyurakan.

Banyaga, isa kang dayuhan
Pilipinas na aking bansang ipinagyayabang,
Filipinong aming lahi at minamahal
Matuto kang makisalamuha at gumalang.

Kayabangan at pang-aalipusta ay iyong kalimutan,
Batas sa aming bansa ay dapat malaman.
Malamang ito’y dapat sundin ninuman
Kahit ikaw pa ang pinakamayamang nilalang.

No comments:

Post a Comment